Fare hike sa eroplano, nakaumang


Kung kailan nagmartsa     sa kalye ang mga militante ay napahinga ang mga motorista sa hataw na oil price hike.

Hindi nagtaas ang presyo ng petrolyo kahit batay sa kuwenta, may maliit na umento dapat sa diesel at gasoline at rollback  sa kerosene at regular gasoline.

“Hindi ‘yun dahil lang nag-rally ay binaba ng international market, ang ganda naman 'no? ‘Yung nangyaring parang freeze sa price is a result of movement sa international market not because of any threat,” sabi ni Director Zenaida Monsada ng Oil and Industry Management Bureau ng Department of Energy.

Pero ang tanong: Ikakarga ba sa susunod na linggo ang dapat na taas-presyo ngayong linggo?

May nagbabadya na naman kasing oil price hike sa susunod na linggo: nasa P0.80 sa gasolina at P0.60 sa diesel.

“Kami ang pinapasagot, kami ang spokesman. Tanungin niyo sila kasi kaya nga kung minsan ayaw na namin sumagot eh,” dagdag ni Monsada.

Mula Enero, lagpas P5 na kada litro ang iminahal sa presyo ng diesel at gasolina.

Kaya kung may napipintong dagdag-pasahe sa mga pampublikong jeep at bus, mukhang masasapul din ang mga bibiyahe sakay ng eroplano dahil pa rin  sa walang humpay na pagtaas ng petrolyo.

Humirit na naman kasi ng dagdag sa fuel surcharge ang Air Philippines na mula P50 hanggang P100.

Ang Philippine Airlines, nasa P56 hanggang P58, at P100 sa Zest Air.

Nauna na ring humingi ng dagdag sa fuel surcharge ang Cebu Pacific. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino
 

03/16/2012 8:52 PM