PDIC hinarap ang depositors ng Export & Industry Bank


Ito ang unang pagharap ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) sa mga depositor ng nagsarang Export and Industry Bank.

Kanya-kanyang tanong ang mga naipit ang deposito pero suma-total ay sa katapusan pa rin ng Mayo mababawi ang mga depositong P10,000 pababa.

Sa katapusan ng Hunyo naman sisimulan ang pamimigay ng depositong hanggang P.5 milyon.

Si Beth na mahigit P1 milyon ang deposito, gobyerno ang sinisi.

“Wala naman talagang proteksyon ang depositor eh. Dapat ang BSP kapag ganyan na may problema ang bangko, imbis na isara nila tulungan na lang nila,” sabi ni Beth.

Si Chito na matagal nang sinabihang i-withraw ang pera sa Export Bank, iba ang natutunang leksyon sa sinapit.

“Dapat talaga kalat ang pera. Hindi ka dapat magde-deposit ng more than P500,000 sa bawat bangko,” sabi ni Chito.

Nabawasan naman ang tiwala ni Agustin sa mga bangko lalo pa nga't noong Miyerkules lang siya nagbukas ng account na P500,000.

“Kapag ako may pera... ilalagay ko na talaga sa bangko pero ngayon parang hindi na rin ako nagtitiwala eh,” sabi ni Agustin.

Tiniyak naman ng PDIC na ligtas pa rin ang pera sa bangko basta't piliin lang daw ng consumer ang matatag at mapagkakatiwalaan.

“Kung ikaw itatago mo lang ang pera sa bahay mo, unang-una delikado pa ang buhay mo,” sabi ni Baldwin Sykimte, information officer ng PDIC.

Sa Makati Coliseum at ilang bahagi ng Metro Manila ang PDIC forum sa Miyerkules pero iikot din sila sa mga rehiyong may sangay ang nagsarang bangko. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino

04/30/2012 10:19 PM