Pinay worker, napatay sa kaguluhan sa Syria


Binitin sa puno at pinatay ng Free Syrian Army rebels ang isang supporter ni Syrian President Bashar al Assad matapos umano siyang mahuling nagtatapon ng granada sa mga nagpro-protesta laban sa gobyerno.

Wala pa ring patid ang kaguluhan sa Syria hangga't ‘di pa bumababa sa puwesto si Assad.

Sa gitna nito, napatay ang Pinay na si Meran Montezor sa Homs, matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan ang sinasakyan nila ng kanyang mga amo noong February 24.

Ayon sa police report, iniwasan daw kasi nila ang isang checkpoint ng mga rebelde kaya pinagbabaril ang kanilang sasakyan at tinamaan sa dibdib si Montezor.

May tama rin ang alaga niyang bata pero nakaligtas ito.

Nasabihan na ng DFA ang pamilya ni Montezor sa Pasacao, Camarines Sur.

Inaayos na ngayon ng embassy sa Damascus ang pag-uwi sa mga labi ni Montezor.

Napasugod naman sa Blas Ople Policy Center ang ilang mga kaanak ng mga OFW sa Syria para manawagan sa DFA.

Si Aling Celia, ‘di na raw mapakali sa pag-alala sa anak na si Maricel Monteclaro na isang domestic helper sa Syria.

“Tulungan niyo po ako, maawa po kayo sa kanya,” sabi ni Aling Celia.

Simula noong Linggo, ‘di na raw niya ma-kontak ang anak na nabalitaan niyang tumakas.

“Nakakulong daw siya doon. Hindi ko alam kung paano ‘yun nangyari sa kanya, kung bakit siya tumakas,” sabi ni Aling Celia.

Ayon kay Susan Ople, dapat ma-review ang repatriation efforts ng DFA sa Syria lalo na't wala pang ambassador doon.

“Ito mga babae, hawak pa ng mga employers. Walang kalayaan na makakilos at makatawag, all the more na they deserve ‘yung pinaka-best at pinakasanay sa conflict,” sabi ni Ople.

Ayon sa DFA, ginagawa nila ang lahat para matulungan ang mga OFW sa Syria, karamihan sa kanila mga domestic helper.

Sa tinatayang 10,000 OFWs doon, mahigit 1,000 pa lang ang napapauwi ng DFA.

Aminado sila na mahirap magpauwi dahil may kontrata ang mga OFW sa kanilang mga amo.

Sa mga gustong humingi ng tulong, maaaring tumawag sa hotline ng DFA. Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino

03/14/2012 9:49 PM