3 Atenista pasok sa top 10 ng Bar


Tanghali pa lang nag-aabang na ang pamilya Morales kung pumasa ba sa bar ang kanilang anak na si Maureen.

Bagsak man o pasado, nauna nang nagpasalamat ang ina na si Elma sa mga nagpautang sa kanya para mapaaral ang anak sa Ateneo.

“Every four months nangungutang ako ng P70,000. Ang balik niyan P84,000 pero hindi ako tumitigil hanggang sa makatapos siya,” sabi ni Elma.

Hindi regular ang trabaho ni Elma bilang caterer at pinilit kumayod para sa pangarap ng anak.

Kaya masayang-masaya siya nang malamang pumasa ang anak.

“Congratulation nagtagumpay kami kahit sa 'bumbay' lang,” sabi ni Elma.

Tatlo sa top 10 ay galing din sa Ateneo kabilang ang topnotcher na si Angelo Atadero.

“Pagkatapos kasi nu'ng exam hindi ko inisip na ang galing- galing nu'ng performance ko kasi mahirap. May mga subject na nagulat kaming lahat, na may mga lumabas na questions na hindi namin alam talaga,” sabi ni Atadero.

Valedictorian si Angelo sa Ateneo Law School.

Naging aktibo siya sa student council mula high school.

Kararating lang niya mula sa bakasyon at nagdasal na makapasa.

“Lahat yata ng simbahan doon pinuntahan ko. Ilang beses kami ng mom ko nag-pilgrimage,” sabi ni Atadero.

Kakasimula lang niya sa trabaho sa Puno Law Office.

Hindi rin daw niya handang tanggapin ang pabirong alok ni Chief Justice Renato Corona na sumali sa defense team para sa mga bagong abugado.

“There are alumni and faculty members on both sides. I respect them all,” sabi ni Atadero.

Tumanggi si Atadero sabihin kung kanino siya pumapanig sa impeachment trial pero nagbigay siya ng payo kay Corona bilang kapwa Atenista.

“He should just persevere. I guess one of his goals naman is to vindicate himself,” sabi ni Atadero.

Sa ngayon, tanging nais lamang ni Atadero umangat bilang isang corporate lawyer. Niko Baua, Patrol ng Pilipino

02/29/2012 10:51 PM