'Awayang Basa-Corona, noong late 90s pa'

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Matigas ang paninindigan ni Chief Justice Corona: wala raw katotohanan ang mga paratang sa kanya ng pamilya Basa -- mga kamag-anak ng kanyang asawang si Cristina.

Nagtataka rin si Corona kung bakit ngayon lang lumalabas ang mga Basa, gayong matagal na raw ang kanilang away pamilya.

Sa mga dokumento ni Ana Basa, pinsang buo ni Ginang Cristina Corona, lumalabas na noon pa lang late 90s at sa simula ng dekada 2000, lumalaban na ang mga Basa sa mga Corona.

Sa isang liham na pinadala ni Ana Basa sa limang senador noong 2002, humihingi ito ng tulong sa umano'y pang-aapi ng mag-asawang Corona.

Sumulat na rin sila kay kay dating Pangulong Gloria Arroyo noon at sa Judicial and Bar Council o JBC, pero hindi sila pinansin.

Sa sulat ni Ana Basa sa JBC noong 2002 rin, sinumbong nito ang umano'y pangangamkam ng mga Corona sa BGEI at kung paano sila pinahirapan noon ng kanyang pinsan.

Pinarating na rin nila noon ang kaso ni Mang Indo, ang 83-year-old na katiwala ng mga Basa na umano'y tinutukan ng baril ni Corona.

Pati ang kaso ni Consolacion Rivera Concepcion na katiwala din ng mga Basa, sinisi nito ang mag-asawang Corona.

Sa kanyang affidavit noong 1998, sinabi nitong nagkawatak-watak umano ang kanilang buhay hanggang sa nawala ang kanyang mga anak nang palayasin sila ng mga Corona sa kanilang bahay na nasa loob ng property ng mga Basa.

Minaliit naman ng defense team ni Corona ang mga sulat, lalo't hindi naman ito pinansin ng Judicial and Bar Council noon.

“Hindi po nila nakita na ito ay dahilan upang ma-sway sila o magbago ang kanilang opinion o desisyon na dapat ma-appoint ang ating chief justice,” sabi ni Atty. Tranquil Salvador III, tagapagsalit ng Corona defense team. Henry Omaga Diaz, Patrol ng Pilipino

03/13/2012 10:08 PM