'Corona kumita ng P21M bilang hukom'


Sa unang bahagi ng hearing kanina, iniharap ng depensa ang isang opisyal ng Korte Suprema na may hawak ng record ng suweldo at allowance ng lahat ng empleyado ng korte, kabilang ang mga mahistrado at si Chief Justice Corona.

Bahagi ito ng pagpapaliwanag ng depensa ng ibang pinanggagalingan ng pera ni Corona bukod sa suweldo bilang Chief Justice.

Ayon kay Araceli Bayuga, ang chief judicial staff officer ng Cash Collection and Disbursement Division ng Korte Suprema, P21 million ang kabuuang suweldo, mga allowance, at iba pang benefits ni Corona mula 2002 hanggang 2011 sa Korte Suprema.

Base ito sa inihanda niyang cash collection certification na ipinrisinta sa impeachment court kanina.

Bukas pa siya sasalang sa cross examination, dahil humingi pa ang prosekusyon ng panahon para pag-aralan ang mga dokumento.

Isinalang din sa witness stand kanina si Demetrio Vicente, isang second cousin ni Corona, na pinagbentahan umano ng lupa nila ng asawa niya sa Marikina na hindi nakadeklara sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth.

Ayon kay Vicente, 1990 pa niya binili ang 1,700-square meter na lupa mula kay Mrs. Cristina Corona. Dala niya ang deed of sale ng lupain kanina.

Para sa depensa, ito ang paliwanag kung bakit wala sa SALN ni Corona ang nabanggit na property.

“How much was paid by you for the purchase of these 7 parcels from Mrs. Corona?” tanong ni Serafin Cuevas ng defense panel.

“I paid P509,989,” ani Vicente.

Paliwanag ni Cuevas, “The purpose is to show that the sale is a genuine deed of sale between the seller and the buyer, so that any and all obligations which should be shouldered by the buyer is being shouldered by this witness. It is not merely a make-believe transaction. It is an honest-to-goodness transaction.”

Pero kuwestyonable para sa prosekusyon ang naging bentahan ng lupa. Hindi raw lisensyado ang abugadong nag-notaryo sa deed of sale ng lupa.

Bukod dito, si Mrs. Cristina Corona pa rin daw ang nagbabayad ng real estate tax o amelyar ng lupa, at sa mga Corona pa rin nakapangalan ang titulo nito.

“Maliwanag dito na ang documentary stamp, bayad; capital gains, bayad. Ang sinasabi niyo kanina ay kaya niyo hindi maipalipat [ang titulo] ay wala kayong pera. Kung bayad na, hindi po ba wala nang dahilan para hindi mailipat sa inyo ang titulo ng lupa?” giit ni private prosecutor Atty. Jose Justiniano.
“Meron pa ho akong babayaran diyan eh, 'yung transfer tax,” ani Vicente.

“Alam niyo ho ba kung magkano 'yung transfer tax?”

“’Di ko nga ko alam. Nagtanong ako. Malaki din daw ho ‘yun.”

Ipinaliwanag naman ni Vicente na kahit pangalan ni Ginang Corona ang nakalagay sa resibo ng pagbayad ng real property tax, sa kanya nanggagaling ang pera at siya na ang may-ari ng lupa.

Isa naman sa nagtanong sa depensa kanina ay si Senador Ralph Recto. Tinanong niya kung bakita nakadeklara sa 1992 SALN ni Corona 'yung property sa Marikina gayong naibenta na nga raw ito noong 1990.

Wala pang sagot ang depensa dito kaya sinabi ni Recto na pinakamabuti talaga kung ihaharap na sa witness stand si Chief Justice Corona mismo. Ryan Chua, Patrol ng Pilipino

03/13/2012 9:40 PM