DFA: Nasa Scarborough na ang ikatlong barko ng China

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Nagmamatigas ang mga Tsinong mangingisda at pumalaot muli para mangisda sa Scarborough Shoal.

Sa pinakahuling report ng Reuters, natiyempuhan kahapon ang bangkang Qiong-Qionghai 09099 habang naghahanda ang mga tripulante nito na pumalaot muli sa West Philippine Sea na mahigit apat na raang milya ang layo mula sa kanilang lugar.

Kaninang umaga nag-piket naman ang grupong Akbayan sa harap ng Chinese Embassy sa Makati para igiit na lisanin ng China ang Scarborough Shoal.

“We are blaming here the Communist Party of China. Wala silang pinagkaiba sa kanilang pinsang diktadoryang rehimen ng North Korea na hindi gumagalang sa international law, hindi kumikilala sa boses ng international community,” sabi ni Emman Hizon, tagpagsalita ng Akbayan.

Pero hindi alintana ng China ang mga ganitong protesta.

Kinumpirma ng DFA na naispatan na ng Philippine Coast Guard sa Scarborough Shoal ang isa pang kulay puting barko ng China, kaya tatlo nang barko ang katapat ngayon doon ng search and rescue vessel ng Pilipinas na BRP EDSA.

Sabi ng tagapagsalita ng DFA, kukuwestyunin nila sa Chinese Embassy kung bakit nangyayari ang mga ganito samantalang malinaw sa kasunduan nila sa negosasyon na hindi gagawa ang magkabilang panig ng anumang aksyon na maaaring magpalala sa tensyon.

“We will ask them again when we meet. What are their intentions? Because the last time we met, no actions should be undertaken to aggravate and escalate the situation,” sabi ni Assistant Secretary Raul Hernandez, tagapagsalita ng DFA.

Paiimbestigahan na rin ng DFA ang hacking na nangyari kagabi sa website ng University of the Philippines kung saan may lumabas na mga salitang inaangkin ng China ang Scarborough Shoal kasabay ng paglabas ng mapa ng West Philippine Sea.

Halos isang linggong hindi nagkaharap sa negosasyon ang DFA at ang Chinese Embassy. Pabalik pa lamang ngayon sa bansa si Secretary Albert del Rosario at ang plano ng DFA muling harapin sa susunod na linggo ang mga taga-China para linawin kung bakit nangyari ang muling pag-init ng sitwasyon sa Scarborough Shoal. Jorge Carino, Patrol ng Pilipino
 

04/20/2012 9:21 PM