Barko ng Coast Guard hindi aatras sa Scarborough

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Patagalan sa Scarborough Shoal, walang atrasan.

Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na hindi aatras ang nag-iisang barko ng Philippine Coast Guard laban sa dalawang surveillance ships ng Tsina sa Scarborough Shoal sa kabila ng demand ng Tsina na maunang umatras ang Pilipinas bago sila.

“We will leave when we’re ready to leave. We will not leave when we’re told to leave,” mariing sabi ni del Rosario.

Huangyan Island ang tawag ng Tsina sa Scarborough Shoal at inaangking bahagi ito ng kanilang historical maps ng Yuan Dynasty.

Sa Spanish colonial map naman ng Pilipinas noong 1820, Bajo Scarburo ang tawag sa Scarborough Shoal.

Kinikilalang bahagi ito ng Masinloc, Zambales dahil sa may 220 kilometers lang ang lapit nito kumpara sa Tsina na 840 kilometers.

Personal na inimbitahan noon ni del Rosario ang Tsina na dalhin sa International Tribunal on the Law of the Sea o ITLOS ang isyung ito pero tumanggi ang Tsina.

Inisnab ng Tsina ang may 10 diplomatic protest na naihain ng Pilipinas magmula sa panghihimasok sa Reed Bank hanggang sa Scarborough Shoal.

Ito ang dahilan kaya’t ngayong linggo ay pormal na silang magsusulat ng legal invitation sa Tsina at dadalhin ito sa ITLOS.

Aniya, hindi rin nakatulong na may isang taon nang walang ambassador ang Pilipinas sa China gayung kapitbahay natin sila. Isang career officer ang rekomendasyon ni del Rosario na gawing ambassador ng Pilipinas sa China.

“We don’t have time for the new ambassador to learn what the position entails. He’s got to hit the ground running,” sabi ni del Rosario.

Nauna nang lumutang ang mga pangalan nina dating Foreign Affairs Undersecretary for Policy Erlinda Basilio, Philippine ambassador sa South Korea Luis T. Cruz, dating American Broadcasting Company Beijing news bureau Chito Sto. Romana at si Philippine permanent representative to the U.N. Evan Garcia. Karen Davila, Patrol ng Pilipino

04/23/2012 10:42 PM