P125 wage hike tinanggihan ni PNoy


Nangako si Pangulong Benigno Aquino III ng dagdag na trabaho at mas maagang dagdag-sahod para sa mga kawani ng gobyerno.

Pero ibang usapan na pagdating sa pribadong sektor.

"Hindi po pambobola ang ihaharap ko sa inyo, hindi po pagpapa-cute, hindi po pamumulitika at mas lalong hindi mga pangakong imposible namang matupad," sabi ni Aquino.

Kinontra ng Pangulo ang panukalang P125 across-the-board wage hike dahil sa negatibong epekto nito sa ekonomiya.

"Paano po ito babawiin ng mga magbabayad tulad ng mga negosyante? Hindi po ba ay itataas nila ang mga presyo ng mga produkto at serbisyo? O hindi kaya ay magco-cost cutting tulad ng pag-lay-off sa mga empleyado?" sabi ni Aquino.

Ipinauubaya na niya sa mga Regional Wage Board ang pagpapasya kung magkano ang itataas sa minimum wage.

"Kung may inflation, dapat may dagdag 'yung mga workers. Eh ngayon wala pa eh. Walang narinig, pasensya muna tayo. Hintayin natin kung kailan," sabi ni Atty. Rodolfo Capocyan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Hiling naman ng mga manggagawa, suportahan ng Palasyo ang batas na magbibigay katiyakan sa trabaho.

"Kami pong manggagawa ay nababahala sa laganap na kontraktuwalisasyon ng paggawa, ang nakasanayang limang buwang kontrata upang makaiwas sa regularisasyon ng employers at ang tahasang pagbalewala sa karapatan sa katiyakan sa trabaho na itinakda ng ating saligang batas," sabi ni Atty. Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers.

Tugon ng Pangulo, magdagdag ng mga labor inspector ang Department of Labor and Employment (DOLE) para tiyaking nasusunod ang Department Order 18-A.

"Ipagbabawal po nito ang abusadong pagre-renew ng kontrata kada limang buwan oh ang tinaguriang 555,” sabi ng Pangulo.

Inatasan ng Pangulo ang Tripartite Industrial Peace Council na magsagawa ng konsultasyon kung dapat ipagbawal ang subcontracting lalo't mas marami raw ang mawawalan ng trabaho kung matutuloy ito.

Bilang tulong, nag-alok ang pamahalaan ng pautang sa tuition para sa mga qualified na miyembro ng SSS at GSIS.

Pero kahit ito ay hindi rin ikinatuwa ng mga grupo ng manggagawa. Hindi raw kasi natupad ang ibang hiling nila. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino

05/01/2012 10:32 PM