Pimentel kukunsultahin ang mga supporters tungkol sa UNA

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Ikinalungkot ni Senador Koko Pimentel ang desisyon ng United Nationalist Alliance o UNA na isali sa kanilang senatorial lineup ang nagbitiw na senador na si Juan Miguel Zubiri.

Kanina, sinabi ni Pimentel na kukunsultahin na niya ang kanyang mga taga-suporta kung panahon na nga bang umalis siya sa UNA.

“Ako’y babalik sa aking mga supporters at sa aking mga kaibigan para po mangonsulta kung ano ang dapat kong sunod na hakbang na gagawin kasi hindi lang ako ang apektado rito. There were also 11 million voters who voted for me,” sabi ni Pimentel.

Una nang hiniling ni Pimentel na huwag isama sa senatorial lineup ng UNA si Zubiri na nakinabang diumano sa dayaan noong 2007 elections.

Kahit napatawad na raw niya si Zubiri, masamang ehemplo sa mga kabataang Pilipino ang biyayaan ang isang nakinabang sa pandaraya.

“Ang ibig ba sabihin ng patawad eh regaluhan mo pa? Hindi naman siguro ganoon kasi kung ako ay tatakbo kasama niya, alam mo na, kailangan magtaasan ng kamay, kailangan purihin mo ang kasama mo sa stage, kailangan iendorso mo,” sabi ni Pimentel.

Para naman kay Congressman JV Ejercito na isa ring UNA senatorial candidate, mas gusto niyang makasama si Pimentel.

“Mas gusto ko sanang makasama siya dahil gaya nang sinabi niya, may pinagsamahan na ang aming grupo,” sabi ni Ejercito.

Umaasa naman si Ejercito na hindi iiwan ni Pimentel ang UNA.

Ayon naman kay Vice President Jejomar Binay, hindi niya pipigilan si Pimentel.

“Ang dinesisyunan lang kahapon ay kinikilala, tinatanggap ang nomination ni Senator Zubiri as candidate for UNA,” sabi ni Binay.

May last minute meeting pa sina Pimentel at dating Pangulong Joseph Estrada para pag-usapan ang magiging kapalaran ni Pimetel sa partido. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino

06/12/2012 10:22 PM