2 suspek sa rape-slay ng nene, napatay


Bakas pa ang dugo sa kamay ni Manila Police District Homicide Chief Senior Insp. Joselito de Ocampo matapos isugod sa ospital ang dalawang suspek sa panghahalay at pagpatay sa 7 taong gulang na batang si Erinieca Baluyot.

Dead on arrival sa ospital si Cecilio Bacolo alyas Junjun habang sa pagamutan na binawian ng buhay si Roderick Soliveros alyas Mulong.

Ayon sa mga pulis, bandang alas-10 kagabi nang pinayagan nilang magtapon ng ihi ang dalawa kasama ang bantay na si PO1 Ramil Dimaguiba.

Pero inagaw daw ni Mulong ang baril ng pulis at saka nagpaputok na tumama naman sa kaliwang dibdib ni Junjun.

“Si Mulong tinulak ako. Buti na lang hindi ako tinamaan,” sabi ni Dimaguiba.

Kabibihis lang daw ni PO3 Rodel Benitez nang marinig ang putok kaya agad siyang sumaklolo at nabaril si Mulong.

“Pagsilip ko, sa akin na nakatutok ang malaki, si Mulong, eminent danger. Inunahan ko siya ng putok,” sabi ni Benitez.

Mahigpit naman daw ang pagbabantay nila sa dalawang suspek pero hindi nila inasahan na mang-aagaw ito ng baril.
“Ang utak-kriminal, ang pag-iisip niyan kriminal pa rin,” sabi ni de Ocampo.

Pero ayon naman kay PO1 Dimaguiba, tila nagpakita na ng interes ang mga suspek sa kanyang baril bago pa ang insidente.

“Hindi niya ako tinitignan sa mukha. Nakatingin siya sa akin, sa baril ko,” sabi ni Dimaguiba.

Agad inimbestigahan ng SOCO ang tanggapan ng homicide kung saan naganap ang insidente.

Handa ring sumailalim sa imbestigasyon ang mga pulis kaya't isinurender na nila ang kanilang service firearm. Francis Faulve, Patrol ng Pilipino

03/14/2012 9:44 PM