Umento sa sahod inaasahan ng minimum wage earners


Araw-araw, nagbibisikleta si Rey; hindi para sa exercise kundi dahil wala siyang pamasahe kahit kasusuweldo lang niya kahapon, tinitiyaga ang halos 8 kilometrong pagpadyak mula Marikina hanggang sa pinapasukang trabaho sa Quezon City.

“Unang-una, maliit din ang suweldo ko. Tatlo anak ko, meron akong 2 high school. So kung mamasahe ako, sayang, P48 balikan,” ani Rey.

Sa bahay, abala ang misis ni Rey sa paglalaba ng mga tinanggap na labada.

Dito nila kinukuha ang pandugtong sa karampot na kinsenas ng mister na P4,600 bilang bodegero.

“Sa totoo lang po, naglalaba ako para lang may pangdugtong sa allowance. Sabi nga nila ‘di raw sa amin halatang naghihirap,” sabi ni Bing, misis ni Rey.

Sino nga bang ‘di malulungkot sa kakaisip kung paano pagkakasyahin ang suweldong kulang pang pambayad sa utang?

Marami pang kuwentong katulad ng kay Rey at Bing, mga pamilyang namumuhay ng isang kahig-isang tuka.

Kaya ang panukala ng isang labor group, magkaroon ng P90 na umento sa arawang sahod ng manggagawa, para kahit paano, makaagapay ang ating mga kababayan sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Hindi naman talaga sasapat ang halaga kung ibabase sa family living wage.

Sabi ng Department of Labor and Employment, kulang sa isang P1,000 kada araw ang kailangan para mabuhay nang disente ang isang pamilya ng anim na tao.

Pero paliwanag ng negosyante, sa produksyon lang nila kinukuha ang pampasuweldo kaya ‘di gaano kadali ang mag-umento.

“Kamukha ngayon, para lang ma-cope-up namin, nagbabawas kami ng empleyado. ‘Pag kulang ang trabaho, kesa lumubog kami pare-pareho, nagbabawas kami ng empleyado,” sabi ni Danny Maramba, isang may-ari ng motor shop. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino

03/16/2012 11:44 PM