1 patay, 36 nasugatan sa demolisyon sa Silverio Compound


Maaga pa lang ay ipinakita na ng mga residente ng Silverio Compound ang pagtutol nila sa gagawing demolisyon.

Nilagyan nila ng barb wire ang ibang parte northbound lane ng Sucat Road para wala nang ibang makapasok.

Nagsunog din sila ng mga gulong at kahoy.

Pati tarpaulin na may mukha ni Mayor Florencio Bernabe ay hindi rin nila pinaligtas.

Ikinalat din nila sa kalye ang malalaking tipak ng bato at mga basag na bote para hindi madaanan ng mga sasakyan.

Sa isang sulok, nakunan ng aming camera ang mga nagsilbing armas ng mga residente gaya ng mga bato at mga botelya.

May mga nakahanda ring mga balde ng tubig sakaling tirahin sila ng teargas.

Agad naman kaming pinalayas ng mga residente.

Maya-maya lamang ay nagsidatingan na ang mga pulis at demolition team.

Dito na nag-init ang ulo ng mga residente.

Para maibsan ang tensyon sa pagitan ng mga residente at pulis, ilang oras ding negosasyon ang naganap.

“Puwede kong kausapin ang mga tao roon na alisin ang estante kung iyon ang sinasabi ng sheriff para ang tension hindi tumaas,” sabi ni Parañaque Rep. Edwin Olivarez.

Pero nabalewala rin ang pakiusap na ito nang makarinig ng malakas na putok.

Ito na ang simula ng kinatatakutan ng lahat na pagsiklab ng karahasan.

Makalipas lamang ang ilang minuto, pinaulanan ng mga residente ng mga bato ang hanay ng mga pulis.

Maya-maya lamang ay inilabas na rin nila ang mga ginawa nilang molotov bombs.

Hindi naman nagpatalo ang mga awtoridad at pinagbabato ang mga residente ng teargas.

Nang makalapit sila ay binomba rin nila ng tubig ang mga ito.

Nagtuluy-tuloy ang batuhan at putukan hanggang sa isang lalaki ang nakitang nakahandusay sa kalye, may tama siya sa ulo at nagtamo ng galos sa katawan.

Dinampot naman ng pulis ang isang lalaking puno ng dugo ang kanyang ulo at mukha.

Ilang residente naman ang naabutan naming nilalapatan ng paunang lunas ng mga rescue teams.

Hindi rin nakaligtas ang media sa mga galit na residente at pinagbabato ang kanilang mga sasakyan.

Halos kalahating oras ang itinagal ng kaguluhan.

Bahagya lang humupa ang tensyon nang tuluyang makapasok ang mga pulis sa loob ng compound. Bettina Magsaysay, Patrol ng Pilipino
 

04/23/2012 10:35 PM