PNP, kinumpirmang bala ang pumatay sa demolition casualty

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Wala ng demolisyon na naganap kundi clearing operations lamang o paglilinis sa mga debris ang ipinagpatuloy ng City Engineering Office ngayong maghapon.

Ang nasawing si Arnel Leonor ay nakaburol na rito sa loob ng compound at ayon sa pulisya ay bala ang tumama sa kanya.

Sa gitna ng marahas na demolisyong ito kahapon, nakunan ng aming cameraman si Arnel na umaatras na habang nagkakabatuhan.

Matapos ito, narinig na ang sunud-sunod na putok mula sa magkabilang panig.

Ilang sandali pa, nakita na si Arnel na nakabulagta sa gitna ng kalsada.

Sa kanyang burol sa loob ng Silverio Compound, mahigpit na ipinagbawal ng pamilya ang pagko-cover ng media.

Pero kinumpirma ng Parañaque police na bala ang tumama sa ulo ni Arnel.

Binalikan din ng ABS-CBN News kanina ang batang si Rodman.

Sa X-ray na ipinakita ng kanyang ama, nabasag ang mga buto sa kaliwang braso ng bata at ang bala ay nasa loob pa ng kanyang katawan.

“Kailangan lagyan ng bakal eh sabi ko ‘Magkano naman ho iyon?’ Sabi niya P15,000. ‘Kung may pera ka ngayon at makapag-decision ka, ooperahan ko siya ngayon.’ Wala naman ho akong pera, anong gagawin ko?” kuwento ni Gina Ortega, ina ni Rodman.

Dinala nila ang bata sa Las Piñas General Hospital (LPGH) pero sabi ng pamilya ay imbes na gamutin ay hiningan muna sila ng pera.

Nilinaw ng ospital na nilapatan nila ng first aid ang bata pero nang ia-admit na siya ay tumanggi diumano ang mga magulang at pumirma pa sa waiver.

“It is not asking for a deposit or what eh but merely estimating the expenses that she or he will incur kung magkaoperahan. Kaya lang ang bakal kasi binibili talaga iyon,” sabi ni Dr. Rodrigo Hao ng LPGH.

“The best way na sana nagawa nila was pumayag na silang magpa-admit because at this time kung naka-admit ang pasyente at naka-antibiotic, wala na silang ikakatakot pa,” sabi ni Dr. Ramon Anatalio III, pinuno ng Surgery Department ng LPGH.

Nakita naman sa X-ray ng 21 anyos na si Ronnie ang bahagi ng balang tumama sa kanyang ulo.

Hiningan din diumano siya ng isang ospital sa Parañaque ng P60,000.

Habang si Armando naman ay hindi pa pumupunta ng ospital kahit na may malaking hiwa sa kanyang ulo.

“Nanonood lang po ako sa gilid bigla na lang may tumamang bagay sa akin. Bigla lang akong bumagsak at nawalan ng malay tapos may pulis daw na lumapit sa akin, pinagpapalo ako,” sabi ni Armando.

Pero maging sa selda, binugbog din diumano ang ilang inaresto tulad ni Virgilio na putok ang mga labi at sugatan ang mga braso.

“Ang dami namin sa loob na binugbog, mga 10 kaming binugbog doon. Ang isa nga tinali, sobra ang pagkabugbog,” sabi ni Virgilio.

“Kung makikita natin lahat sila pati lawyer nila pati kanilang mga kasamahan, lahat kasama nila mula umaga, hapon at gabi hanggang ngayong umaga. Hindi ho namin ginagawa ang police brutality,” paliwanag naman ni Chief Supt. Enrique Sy.

Humihingi ng pang-unawa ang mga militanteng grupo sa naging pag-uugali ng mga residente kahapon dahil hindi lang daw buhay kundi kabuhayan na ang nakataya sa demolisyon.

Kumunsulta sila sa Department of Justice kanina para sa mga legal na hakbang na puwedeng gawin lalo na sa diumano'y pamamaril ng mga pulis.

Inatasan na ng DOJ ang National Bureau of Investigation na humanap ng mga ebidensya kaugnay sa posibleng pagsasampa ng administrative at criminal case laban sa mga pulis na sangkot sa marahas na demolisyon sa Parañaque.

Ayon kay Justice Undersecretary Francisco Bataan III, posibleng masampahan ng homicide at multiple physical injuries ang mga pulis na mapapatunayang gumamit ng dahas.

04/24/2012 10:14 PM