NOLCOM pinabulaanang umalis ang malaking barko ng China


Walang katotohanan ang naging pahayag ng Chinese Embassy kagabi na umalis na sa Scarborough o Panatag Shoal ang Yuzheng 310 -- ang pinakamodernong armadong patrol vessel ng China at ang CMS 83, isang Chinese surveillance ship.

“We are not doubting their claims. We are telling them they are not telling the truth. One thing is certain: they are there now, and it looks like they are bent to stay around the area,” ani Lt. Gen. Anthony Alcantara ng Northern Luzon Command.

Bukod sa dalawang barko, lima pang Chinese fishing vessels ang nasa lugar.

“This morning, as per reports from our Coast Guard, there are only five fishing vessels from China,” sabi ni Assistant Secretary Raul Hernandez ng Department of Foreign Affairs.

Kahapon sinabi ng Chinese Embassy na inalis na nila ang dalawang barko sa Scarborough Shoal at isang Chinese maritime surveillance ship na lang ang natitira sa lugar.

Handa raw itong ayusin ang sigalot sa pamamagitan ng diplomasya.

Tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines na nakahanda silang ipagtanggol ang teritoryo ng bansa.

“They cannot conquer Scarborough Shoal. We will not allow that to happen. The entire Filipino nation supports us with what we are doing. I believe they are there with us, kasi para sa interes naman po nating lahat ‘yan eh,” sabi ni Alcantara.

Ayon naman kay Pangulong Aquino, kung ayaw ng China na dalhin ang isyu ng Scarborough Shoal sa International Tribunal for the Law of the Sea o ITLOS, ipaalam na lang sa buong mundo ang ginagawa sa atin ng China.

“Marami silang relasyon sa iba’t ibang bansa sa mundo na mapapag-isip. ‘Yung mga ibang bansa rin naman, kung ganito tayo tinatrato, at sila’y sinlaki natin o mas maliit sa ’tin, baka dumating ang panahon, ganoon din ang pag-trato sa kanila,” sabi ni Aquino.

Samantala, patuloy naman ang paghahanap ng nominee para maging susunod na ambassador ng Pilipinas sa China. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino

04/24/2012 11:20 PM