EXCL: Erap, ipinakita ang bahay sa Maynila


Dinala kami ni dating Pangulong Joseph Estrada sa halos 60 taong gulang na bahay na ito na nakatayo sa gitna ng higit kalahating ektaryang lupain sa Sta. Mesa, Maynila.

Ayon kay Erap, nabili niya ito sa angkan ng mga Legarda sa halagang P80 milyon.

“’Yung property ko noong artista pa ako dito sa Pureza, eh malapit ito. Tamang-tama, kaibigan ko mga Legarda, inalok sa akin ito,” sabi ni Estrada.

Walo ang kuwarto ng bahay, antigo ang mga gamit at muebles.

Sabi ni Erap, wala siyang planong gibain ang bahay.

May mga tao pa rito nang aming inabutan pero tiniyak ni Erap, lilipat na siya rito sa susunod na linggo.

Inikot din kami ni Erap sa malawak na bakuran.

Mapuno, may ibang mga bahay, at may swimming pool.

“Bihira kang makakita ng ganito sa buong Maynila. Noong nakita kong maraming puno, na-in love ako agad,” sabi ni Estrada.

Inamin ni Erap, binili niya ang bahay bilang preparasyon sa planong pagtakbong mayor ng Maynila.

Sa batas, kailangan niyang manirahan dito ng isang taon bago ang eleksyon.

Makasaysayan ang bahay na ito, minsan naging campaign headquarters din ni dating Presidente Magsaysay.

At siyang magsasara ng kasaysayan sa pulitika ni Erap Estrada kung tutuloy man sa pagtakbong alkalde ng Maynila.

Bukod sa bahay, may runningmate na rin siya.

Nakatakdang manumpa bukas si Vice Mayor Isko Moreno sa koalisyong UNA nina Erap at Vice President Jejomar Binay. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino

05/02/2012 9:34 PM