Pacquiao, itinangging magreretiro na


Isinantabi ni Manny Pacquiao ang mga usap-usapan ukol sa kanyang pagreretiro sa ring para talakayin ang kanyang nalalapit na laban sa Amerikanong si Timothy Bradley.

Baon din niya ang mga pananalita ukol sa Diyos na bago sa pandinig ng mga nasanay nang mag-cover ng kanyang mga press con dito sa Amerika.

“I'm not going to stay long in boxing because God who made me [good] in boxing, Siya na nagbigay sa akin ng biyaya in boxing, ['pag] sabi Niya tama na ‘yan and share mo ‘yung commandments ko, ‘yung word of God,” sabi ni Manny.

Pero ‘di magkakatugma ang mga pahayag ni Pacquiao.

Pagkatapos ulit-uliting may hangganan ang kanyang career, siniguro naman niyang hindi pa huli ang kanyang pakikipagtuos kay Bradley sa Las Vegas sa June 9.

“Definitely this is not my last fight, maybe after this, one more and I'm going to think about retirement,” sabi pa ni Manny.

Samantala, inihayag naman ng 28 anyos na super welterweight champion na si Bradley na handa na siyang pabagsakin si Pacquiao.

“I feel that I am absolutely ready for this point. Manny has had his time to shine, now it's time for a new star to come into the game,” sabi ni Bradley.

Mula L.A., pupuntang New York ang dalawang boksingero para ilako ang kanilang nalalapit na laban.

Sinusubukan ng Top Rank na makaharap ni Pacquiao ang New York Knicks basketball star na si Jeremy Lin.

Bilib na bilib si Pacman sa Asian-American sensation na madalas ring magsalita ukol sa kanyang pananampalataya sa Diyos.

“’Yun ang maganda kasi gusto ko ‘yung mga sumisikat at binigyan ng talent ng Panginoon at ‘wag kalimutan ang Panginoon,” ani Manny.

Naniniwala si Coach Freddie Roach na makatutulong ang pagiging relihiyoso ngayon ni Pacquiao sa kakailanganing disiplina para matalo ang isang determinadong boksingero gaya ni Bradley. Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino

02/22/2012 11:30 PM