2 Azkals, hindi makakapaglaro sa AFC semis

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Nagsaya ang Philippine team Azkals matapos marinig ang final whistle sa laro kontra Tajikistan kahapon sa Nepal.

Gumawa ng kasaysayan ang team nang talunin ang 2006 champions Tajikistan sa score na 2-1.

Unang naka-score ang Tajikistan bago magtapos ang first half pero bumawi ang mga Pinoy sa second half at kumayod nang husto.

Naka-goal si Phil Younghusband sa 53rd minute mula sa pasa ni Angel Guirado.

Sa 80th minute, si Phil naman ang nag-assist kay Guirado mula sa midfield.

Bumagsak si Angel pero pasok ang kanyang header kaya lumamang ang Pilipinas, 2-1.

Doble ang saya ng team dahil pasok ang Pilipinas sa knockout semifinals stage sa unang pagkakataon sa mabigat na AFC Challenge Cup.

“It was amazing, the players are very, very happy and this was the first time for the Philippine team. And it’s another step for Philippine football,” sabi ni Phil.

Kalaban ng Pilipinas ang Turkmenistan sa semis sa Biyernes at kung manalo, haharapin nila sa finals ang mananalo sa laro ng North Korea at Palestine.

Nagpasalamat naman si Angel Guirado sa suporta ng mga Pinoy.

Dito raw siya nakakuha ng lakas sa gitna ng sexual harassment complaint sa kanya at isa pang player ng team.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Guirado sa salitang Kastila na karangalan niyang maging kinatawan ng Pilipinas.

Hindi makakapaglaro sa Biyernes si Guirado at si James Younghusband dahil sa dalawang yellow card na nakuha sa huling dalawang game.

Pero tiwala pa rin ang team na kakayanin nila ang Turkmenistan. Dyan Castillejo, Patrol ng Pilipino

03/14/2012 11:19 PM